4 killer ng police major, timbog

Ipinakikita ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano ang mga nasamsam na baril sa apat na nadakip na suspect na sinasabing sangkot sa pagpaslang kay Chief Inspector Roderick Medrano. (Kuha ni BOY SANTOS)

MANILA, Philippines -  Naresolba na ng Quezon City Police District ang kasong pananambang kay Police Chief Inspector Roderick Me­drano matapos na madakip ang apat na suspect sa naganap na krimen.

Kinilala ni QCPD Director Chief Supt. Richard Albano ang mga nada­kip na sina Cle­mente Berzosa, 49; Larry Consolacion, 42; Joean Marco, 41; at Rodener Necesito, 39; pawang mga residente sa Brgy. Commonwealth.

Kamakalawa ng madaling-araw ng madakip ang mga suspect ilang oras matapos itatag ang ‘Task Force Medrano’ na pinamunuan ni Senior Supt. Procorpio Lipana kung saan isang impormasyon ang natanggap nila hingil sa isang get away vehicle na ginamit ng mga suspek ang namataan sa kahabaan ng Central Ave­nue, sa lungsod.

Dahil dito, ala-1:15 ng madaling-araw, agad na tinungo ng tropa ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit sa pamumuno ni Chief Insp. Rodel Marcelo ang lugar kung saan natiyempuhan nila ang isang kulay itim na motorsiklo na ‘for registration’ sakay ang isang lalaking walang suot na helmet saka inimbitahan ito para sa imbestigasyon.

Kasunod nito, isang impormasyon ang muling natanggap ng CIDU na isa pang gate away vehicle ng mga suspek na Toyota Tamaraw FX ang nakita sa loob ng parking­ lot ng Commonwealth Mar­ket sa lungsod na doon naispatan si Bersoza na nakatayo malapit sa pasukan ng palengke habang may sukbit na baril sa kanyang tagiliran.

Nang makita ni Bersoza ang mga awtoridad ay nagtatakbo ito palayo, pero agad ding nakorner   at naaresto.

Narekober sa kanya ang isang granada at isang kalibre 45 baril na may tatlong magazines na puno ng bala; apat na cellular phones at isang hand held radio.

Samantala, habang pa­pasok sa loob ng palengke, ay nakita naman ng awtoridad si Marco na may sukbit na baril habang nagtatago malapit sa isang hagdanan at inaresto. Narekober sa kanya ang isang kalibre 30 US carbine M1 at mga bala.

Matapos nito, habang papunta ang mga operatiba sa Totoya Tamaraw FX ay nakita ng mga ito ang mga suspek na sina Consolacion at Necesito na nakatayo sa tabi nito. Pero nang makita ng da­lawa ang mga otoridad ay tinangka pang tumakas pero agad din silang na­aresto. 

Narekober kay Consolacion ang isang kalibre 45 baril na may dalawang magazine na puno ng bala at isang hand held radio, habang kay Necesito naman ay isang kalibre 38 baril na may lamang apat na bala at isang hand held radio. Nakuha din ng awtoridad ang Tamaraw FX at isang motorsiklo sa mga suspek.

Hindi pa malinaw sa pulisya kung ano ang tunay na motibo sa nasabing krimen na hanggang sa ngayon ay kanila umanong iniimbestigahan.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal possesion of firearms and Ammunitions) Republic act 9516 (Illegal possesion of Explosives) at article 247 ng Revised Penal Code (Murder), two counts of attempted murder in relation to RA 7610 at isa pang attempted murder laban sa mga suspek.

 

Show comments