Sa inambus na Police Major; TF Medrano, binuo ng QCPD
MANILA, Philippines - Bumuo na ng isang task force ang Quezon City Police District (QCPD) na tututok sa imbestigasyon sa pamamaslang kay Chief Inspector Roderick Medrano noong Lunes ng umaga.
Ayon kay QCPD director Richard Albano, ang ‘SITG Medrano’ ay pangungunahan ni QCPD Deputy District Director for Operations, Police Senior Superintendent Procopio Lipana, kasama sina Police Superintendent Dennis de Leon, Station Commander of Fairview Police Station
Sabi ni Albano, walang dapat na maitago sa nasabing imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa likod ng nasabing krimen.
Base sa ulat, alas-7:15 ng umaga nang tambangan si Medrano na nakatalaga sa Novaliches Police Station (PS-4) ng tatlong suspek na nakasakay ng motorsiklo sa kahabaan ng San Diego Drive cor. Zabarte Road, Barangay Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Minamaneho ng biktima ang kanyang Honda City (MCH-588) kasama ang pamilya nang paulanan ng bala ng dalawa sa tatlong suspek ang una.
Naitakbo pa sa Bernardino Hospital si Medrano pero hindi na umabot pang buhay.
Narekober ng awtoridad sa lugar ang 21 basyo ng bala ng kalibre .9mm at tatlong tingga na ginamit sa pamamaril sa biktima.
Sabi naman ni Lipana, kinokonsidera nila ngayon ang lahat ng anggulo sa nasabing pamamaslang.
- Latest