MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong lalaking suspek sa diumano’y tangkang pagpapasabog sa parking area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3.
Ayon sa National Bureau of Investigation - Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) at NBI Counter-Terrorism Division (NBI-ACTD), maliban sa mga suspek na pansamantalang hindi muna ibnunyag ang mga pangalan, hawak na rin nila ang isang kulay puting Toyota Revo (WMK 129) kung saan natagpuan ang sinasabing improvised explosive devices (IED’s).
Dakong alas-2:00 ng madaling araw nang dalhin ang mga suspek sa tanggapan ng NBI headquarters, sa Taft Ave., Ermita, Maynila.
Nabatid na ang mga suspek ay dinakip dakong ala-1:45 ng madaling-araw sa NAIA Terminal 3 parking lot B, habang inaassemble diumano sa loob ng nabanggit na sasakyan ang may 6 hanggang walong IED.
Ang nabanggit na sasakyan na kasalukuyang pang bineberipika ay sinasabing nakarehistro sa isang taga Bulacan.
May impormason din ang NBI noon pa umanong isang buwan na may planong pagpapasabog sa NAIA kaya nang may natanggap uling tip hinggil sa presensiya ng mga suspek ay agad nila itong tinungo.
Kaugnay nito inilagay sa full alert status ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang paligid ng NAIA.
Nabatid kay NCRPO Director Chief Supt. Carmelo Valmoria, mas ibayong paghihigpit ang ipinatutupad nila sa loob at labas ng NAIA partikular na sa Terminal 3 kung saan naaresto ang mga suspects.
Sinabi pa ni Valmoria, sa entrada pa lamang ng nasabing paliparan ay naka-deploy na ang mga pulis.
Aniya, magkasama na ngayon ang mga guwardya, PNP Aviation security group at NCRPO na magsasagawa ng inspection sa bawat papasok sa naturang paliparan.
Idinagdag pa ni Valmoria na wala namang dapat ikabahala ang publiko sa biglaang paghihigpit lalo ng seguridad sa airport dahil karaniwan nang isinasagawa ito tuwing may ganitong insidente.