MANILA, Philippines - Isang lolo ang inatake sa puso at namatay habang naghahanap sa nawawala niyang mga kamag-anak sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng gabi. Tinayang nasa edad na mula 70 hanggang 75 anyos ang biktima na hindi pa makilala habang isinusulat ito. May katabaan ang pangangatawan ng matanda, naka-abuhing sando, nakasuot ng itim na pantalon at tsinelas.
Ayon sa ulat ni SPO1 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 6:30 ng gabi nang bigla na lamang nawalan ng malay ang biktima habang nasa mahabang bangko sa loob ng barangay hall ng Barangay, 497 Zone 49.
Ayon kay kagawad Cherie Bengao, humingi ng tulong sa kanilang barangay ang matanda dahil sa lugar umano ng Kundiman St. nakatira ang mga nawawalang kamag-anak nito. Hindi umano natagpuan ng mga tanod ang sinasabing kaanak nito hanggang sa hayaan na nilang makapagpahinga ito sa loob ng barangay hall.
May halos isang oras pa lang itong nakapagpahinga nang mapuna na hindi na ito gumagalaw. Wala namang anumang sugat na nakita sa katawan ng biktima kaya ipinalalagay ng pulisya na inatake ito sa puso.