MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang ilang bookstore na inginusong nagbebenta ng mga pekeng libro na kinopya sa Rex Book Store, at nakadiskubre rin ng printing facility kung saan iniimprenta ang mga nasabing imitasyon.
Kabilang sa sinalakay ng mga tauhan ng NBI-Intellectual Property Rights Division ay ang Grace and Ryan Bookstore na nakuhanan ng mga printing machine, plates at paraphernalias sa pag-imprenta, Almar Book Supply and General Merchandise, Salazar’s Bookhaus, Arlit’s General Merchandise at ang Boss Rick Printing Service na pawang nakumpiskahan ng mga pekeng aklat.
Gamit sa pagsalakay ang search warrants na inisyu ng Pasig City Regional Trial Court Branch 158 at 159.
Noong Mayo 2014 ay sinalakay din ng NBI ang ilang photocopying center na nagre-produce ng mga libro ng Rex Bookstore.
Ayon kay NBI Head agent Danielito Lalusis, iligal ang reproduction at pagbebenta nang walang kaukulang permiso mula sa may-akda at publishers ng libro kaya sasampahan ang mga may-ari ng tindahan ng paglabag sa Section 177.3 ng Republic Act. No. 8293, Intellectual Property Code of the Philippines.
Maliban pa sa mga kasong kinakaharap ay ang paglabag sa copyright infringement na may katapat na parusang pagkabilanggo mula isa hanggang 3 taon at multa na P50,000.