MANILA, Philippines - Dahil sa mahigpit na kampanya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga kolorum na mga sasakyan, simula sa susunod na linggo ay hindi na papayagang makapasok sa kahabaan ng EDSA ang mga kolorum at out-of-line na provincial buses.
Ito ay bahagi pa rin sa mga solusyong isinusulong ng MMDA at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) upang maibsan ang problema ng masikip na trapiko sa Metro Manila.
Base sa rekord ng MMDA, nasa isang libo umanong provincial buses na walang pahintulot sa kanilang prangkisa na pumasok sa Metro Manila ang dumadaan sa EDSA.
Nabatid na sa 1,000 provincial buses, ang 800 umano dito ay mula sa katimugan habang ang 200 naman ay mula norte.
Kaya sa darating na linggo magiging mahigpit na ang pagharang sa mga ito kahit pa aniya may mga terminal ang mga ito sa Cubao, Quezon City at Pasay City.
Nabatid, na huhulihin na ng MMDA at LTFRB ang mga ito kapag bumiyahe sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila lalu na sa EDSA Avenue.
Nakatakda rin umanong magtalaga ng mga temporary terminal ang MMDA.
Kahapon ay nagpulong na rin ang MMDA, LTFRB kasama ang Metro Mayors upang plantsahin ang pagpapatupad nito.
Kokonsultahin rin umano ang commuters group para malaman na rin kung ano pa ang maaring gawin para maibsan ang paghihirap ng mananakay.
Sa sandaling simulan na ang pagpapatupad nito, lahat ng mga biyaheng mula norte ay hanggang Monumento na lamang habang ang biyahe mula south ay hanggang Market Market na lamang.