MANILA, Philippines - Dalawang hinihinalang holdaper ang nasawi makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng awtoridad ilang minuto matapos na holdapin ang isang UV express sa lungsod Quezon, kahapon ng hapon.
Ayon kay Supt. Victor Pagulayan, hepe ng Quezon City Police District Station 11, wala pang pagkakakilanlan sa mga suspek na personal na kinilala rin ng mga biktima na siyang nangholdap sa kanila.
Naganap ang insidente sa may east-bound lane ng Quezon Avenue, corner Tuayan St., ganap na alas-3:45 ng hapon.
Sa inisyal na ulat, bago ito, isang SUV express umano ang hinoldap ng mga suspek na nagkunwaring mga pasahero sa kahabaan ng Quezon Avenue.
Dito ay nilimas ng mga suspek ang mga bag at gamit ng limang mga pasahero, saka bumaba ng sasakyan para tumakas.
Ayon kay Pagulayan, isang tawag ang natanggap nila kaugnay sa nasabing holdapan kung kaya agad niyang inimpormahan ang tropang nagpapatrulya sa lugar.
Agad naman umanong naispatan ng mga nagpapatrulyang mga awtoridad ang UV express at sinundan ito at pagsapit sa nasabing lugar ay bumaba ang mga suspek at pinaputukan umano ang mga una sanhi para mauwi ito sa engkwentro at masawi ang mga suspek.
Narekober sa lugar ang mga bags at mga gamit ng mga biktima.