Bomb threat sa PUP, klase sinuspinde

MANILA, Philippines - Binulabog ng bomb threat ang  Polytechnic University of the Philippines sa  Sta. Mesa sa Maynila  na naging dahilan upang suspindihin ang klase dito, kahapon ng tanghali.

Ayon kay SPO2 Christopher Millan ng Manila Police District (MPD)-Explosive and Ordnance Division dakong alas-10:00 ng umaga nang nakatanggap umano ng tawag ang isang empleyado mula sa Office of the President  ng nasabing unibersidad na may nakatanim na bomba sa Mabini Campus.

Kaagad namang inabisuhan ang mga estudyante at empleyado na abandonahin ang mga gusali. Dakong alas-12:00 ng tanghali nang suspendihin ang klase.

Mabilis namang rumes­ponde ang mga tauhan ng Manila Police District-Explosives and Ordinance Division upang beripikahin ang impormasyon kung saan wala naman nakitang anumang bomba kaya pinaniniwalaang pananakot lamang ito.

Show comments