9 brgy. sa QC, isinailalim sa mandatory drug test
MANILA, Philippines - Siyam na barangay sa lungsod Quezon ang isinailalim sa mandatory drug test kung saan 19 ang nagpositibo sa droga.
Sinabi ni QC Vice Mayor Joy Belmonte na siyang Chairman ng QC Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC), siyam na barangay pa lamang ito sa 142 barangay na kanilang iikutin para matiyak na drug-free community ang lungsod.
Sa 19 na nagpositibo sa droga ay mula anya sa 584 na staff at opisyal ng 9 na barangay na kanilang napuntahan kabilang ang Brgy. Damayan, Sto. Cristo, St. Peter sa District 1, Amihan at Bagumbayan sa District 3 at Valencia at Paang Bundok sa District 4 at Kaligayahan at Gulod sa District 5.
“Ito po ay patuloy at bahagi ng ating advocacy towards a drug-free community. Ito pong mga nagpositibo sa drugs ay e-evaluate natin para matiyak na occasional ba ang paggamit ng droga o gumon na sa paggamit ng illegal drugs,” pahayag ni Belmonte.
Sinabi pa nito na kung bago pa lang gumagamit ng illegal drugs ay isasailalim ito sa counselling sa anti-drug treatment and rehabilitation center sa lungsod para maturuan kung paano maiiwasan ang paggamit ng droga at yung mga adik na sa droga ay isasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon.
“Pati po yung mga magulang, mga guardian ng mga nagpopositibo sa illegal drugs ay kinukumbinse po natin na sumailalim din sila sa counselling para pare- parehong malaman kung paano maiiwasan ng mga anak ang paggamit ng illegal drugs, ano ang dahilan ng addiction at ang rehabilitation na ginagawa natin sa kanila ay hindi parang mga preso kundi kinakalinga sila at more compassionate approach natin towards drug addiction,” dagdag ni Belmonte.
- Latest