MANILA, Philippines - Isang hinihinalang holdaper ang kalaboso matapos nitong biktimahin ang isang empleyada ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kahapon.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang suspek na si Robert Tayamora, 29, may-asawa, ng #1916 Barangay Cupang, Muntinlupa City.
Kinilala naman ang biktima ng umano’y pang-hoholdap na si Julian Anne Bautista, 20, dalaga, ng Villamor, Pasay.
Sa isinumiteng report kay Police Chief Inspector Angelito De Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), ng Pasay City Police, alas-11:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa NAIA Terminal 3, Andrew Avenue ng naturang lungsod.
Ayon sa nakatalagang guwardya na si Banzar Marcos, habang siya ay nag-iikot sa lugar, narinig niyang sumisigaw at humihingi ng tulong ang biktima.
Bunsod nito, agad na nagresponde ang guwardya at nahuli nito si Tayamora. Nakumpiska sa suspek ang hinoldap umanong Black Berry cellphone na nagkakahalaga ng P6,000, isang Cherry Mobile at isang cutter, na posibleng ginamit nito sa panghoholdap sa biktima.
Kaagad na dinala ng guwardyang si Marcos ang suspek sa Pasay City Police Station at sinampahan ito ng kaukulang kaso.