4 service crew, niragasa ng taxi
MANILA, Philippines - Apat na service crew ng isang kilalang fast food chain ang sugatan makaraang mahagip ng rumaragasang taxi habang ang mga una ay tumatawid sa isang kalye sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay SPO4 Raymundo Layug, hepe ng Quezon City Police District Traffic Sector 1, ang mga biktima ay kinilalang sina Claire Caldito, 20; Jobeth Fajardo, 19; Vielynet Aller, 19; at Thrisha Mae Ginteroy, 19; pawang taga-Quezon City.
Ang driver ng nakabunggong taxi na si Buenvenido Montealto, ay nasa kustodya naman na ng pulisya.
Sa ulat ng PS1, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Quezon Avenue, harap ng Fisher Mall sa Brgy. Sta. Cruz, sa lungsod, ganap na ala-1:30 ng madaling-araw.
Diumano, binabaybay ng taxi ni Montealto ang kahabaan ng Quezon Avenue, nang pagsapit sa naturang lugar ay biglang tumawid ang mga biktima na galing sa mall, sanhi upang hindi na ito makaiwas at mahagip ang mga ito at masugatan.
Katwiran ni Montealto, ilang beses umano niyang binusinahan ang mga biktima, pero nagtuluy-tuloy pa ang mga ito sa pagtawid kung kaya nahagip niya ang mga ito kahit naipreno na niya ang taksi.
Kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries ang inihahanda laban kay Montealto.
- Latest