MANILA, Philippines - Aprubado na ng Quezon City Council ang proposed measure na nagre-require sa lahat ng mga riding in tandem na dadaan sa lungsod sa pagsusuot ng vests o anumang sleeved clothing na doon naka-print ang plaka ng kanilang sinasakyang motorsiklo.
“May matinding pangangailangan sa visible display ng motorcycle’s number na agad na mabe-verify sa LTO sakaling masangkot ito sa vehicular o criminal activity”, nakasaad pa sa inaprubahang panukala.
Niliwanag naman ni 2nd district councilor Ranulfo Ludovico, principal author ng naturang measure, na tanging ang magkaangkas o may angkas ang siyang ire-require sa pagsusuot ng vests na may plaka at hindi ang nag-iisang rider.
Ito umano ang kanilang napagkasunduan sa mga motorcycle riders’ groups, dahil nakikita namang ang pangunahing problema ay ang riding-in-tandems at hindi sa nag-iisang rider.
Ipinaliwanag pa ni Ludovico na hindi sila magpe-prescribe ng vest specifications para hindi sabihing ang ordinansa ay ginawa para lamang kumita ng pera.
Ang mas importante umano ay ang sundin ang itinakdang sukat ng mga letra at numero na six inches ang height at one inch ang width.
Ang naturang measure ay aaprubahan pa ni Mayor Herbert Bautista. Ginawa ang naturang ordinansa dahil na rin sa pagdami ng krimen na ang sangkot ay mga riding in tandem.
Ang pag-display umano ng plaka ng motorsiklo ay makakatulong sa mga awtoridad para agad na makilala ang driver at ang angkas nito.
Sakaling tuluyang ipatupad, ang mga mahuhuling lalabag dito ay may kaukulang kaparusahan kabilang ang P1,000 multa o limang oras na community service sa unang offense; P2,000 sa multa o 8 oras na community service sa ikalawang pagkahuli at sa ikatlo naman ay P5,000 multa at/ o isang taong pagkakulong.