2 kawatan bulagta sa parak

MANILA, Philippines - Dalawang hindi pa nakikilalang kawatan ang nabaril at napatay ng mga tauhan ng pulisya makaraang mang-agaw ng bag sa isang kostumer sa computer shop, kama­kalawa ng gabi sa lungsod Maynila.

Inilarawan ang isa sa nasawi na nasa edad 30-35, may taas na 5’6’’-5’8’’, may tattoo na “Bahala Na Gang”, “Botchok Vidalo” sa kanang balikat, “Bikly Soliven” sa kanang dibdib at “Rey Condenado” sa kanang hita habang ang isa ay nasa edad na 25-40, may taas na 5’3’’-5’5’’, miyembro ng Bahala Na Gang, may tattoo na “Edwin Kilay” sa kanang dibdib, “Jonad Ice” sa kaliwang dibdib at “Otep Lingoten”  sa kanang kilay. 

Sa ulat  ni SPO3 Glenzor Vallejo, ng MPD-Homicide Section, nasawi ang dalawa habang ginagamot sa UST Hospital sanhi ng tama ng bala sa dibdib at sentido.

Batay sa imbestigasyon, isang Ricky Olavide, 33, ng Cabuyao, Laguna, ang naglalaro ng online game sa Noypi.com computer shop na nasa panulukan ng Concepcion at Dapitan Sts. sa Sampaloc, Maynila dakong alas-10:20 ng gabi nang hablutin ang dala nitong bag ng dalawang suspek at mabilis na lumabas upang tumakas.

Napansin naman ng mga nagpapatrulyang sina PO3 Jonathan Sosongco at PO3 Jerry­win Rebossora ng Anti-Crime Unit ng MPD Station 4 ang dalawa dahil sa baril na hawak nito kaya nilapitan upang sitahin subalit itinutok sa kanilang direksiyon ang baril at tinangkang paputukan ang mga pulis na naging­ maagap kaya inunahan nilang paputukan ang dalawa.

Samantala sa Caloocan City, dalawa ring kilabot na magnanakaw ang nasawi makaraang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Rodri­guez Memorial Hospital sina Oyi Viray, 39, habang agad na nasawi si Roldan Polinio, 28.

Sa ulat, nagkukuwentuhan ang dalawa sa madilim na bahagi sa kanilang lugar dakong alas-11:30 ng gabi nang sumulpot ang salarin at ratratin ang dalawa ng putok saka mabilis na tumakas. Blangko naman ang pulisya sa pagkakakilanlan sa salarin dahil sa wala namang lumalantad na saksi upang makipagtulungan sa mga pulis.

Sa rekord naman ng pulisya, nabatid na sangkot si Polinio sa pagnanakaw sa mga bahay­ habang si Viray umano ang nagbebenta ng mga nananakaw na gamit at kilala ring gumagamit ng iligal na droga.

 

Show comments