MANILA, Philippines - Isang townhouse sa Marikina na hinihinalang drug den ang sinalakay ng mga awtoridad, kahapon ng madaling araw kung saan naaresto ang isang kilalang drug pusher sa lungsod.
Kinilala ni Marikina Police chief, Sr. Supt. Vincent Calanoga, ang suspek na si Randy Domingo, ng #305 Soliven St., Bgy. Nangka, Marikina City. Numero uno umanong drug pusher sa lungsod si Domingo at sa Rizal.
Ayon kay Calanoga, nakatanggap sila ng impormasyon na ginagamit na drug den ang townhouse ni Domingo kaya agad nagsagawa ng pagsalakay ang kanyang mga tauhan dakong alas-5:00 ng umaga kahapon.
Narekober mula sa suspek ang 10 gramo ng ipinagbabawal na gamot at iba’t ibang uri ng drug paraphernalia.
Nakakulong ngayon si Domingo sa Marikina police habang inihahanda na ang kaukulang demanda laban sa kanya.