MANILA, Philippines - Tatlong pulis ng Manila Police District ang iniimbestigahan ng MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) matapos na ireklamo ng isang lalaki na umano’y kanilang ‘hinulidap’ sa Malate, Maynila kahapon ng umaga.
Ayon kay Jayson Villarin, 34, sinita siya ng mga pulis kasama ang isang sibilyan habang nagbibisikleta sa Lopez St., Malate dakong alas-5:30 ng umaga. Isa sa mga pulis ay nakilalang si PO3 Abenoja.
Pinalo siya ng posas sa ulo, binugbog at pilit na ipinalalabas ang umano’y shabu. Nang sabihin ni Villarin na wala siyang dalang shabu, kinuha na lamang ng mga pulis at sibilyan ang kaniyang cellphone at P200.
Upang hindi makahabol, hinubaran siya sapatos at damit ng mga suspek. May nagdala umano sa kaniya sa Philippine General Hospital (PGH) upang ipagamot.