MANILA, Philippines - Umaabot sa 15 traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang sinibak ni Manila Mayor Joseph Estrada makaraang mahuli sa closed circuit television ang ginagawang pangongotong sa mga motorista sa Maynila.
Ayon kay Estrada, nakakalungkot lamang na malaman na ito ang isinusukli ng mga enforcers sa ginagawa ng city government na mabigyan ng trabaho ang mga Manilenyo.
Kitang-kita sa mga CCTV na nakakalat sa lungsod ang negosasyong ginagawa ng mga traffic enforcers sa mga motorista na lumalabag sa batas trapiko.
Sinabi naman ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na dapat na pinahahalagahan ng mga enforcers ang kanilang trabaho lalo pa’t ngayon lamang ito naipatupad. Aniya, ang 20 porsiyentong komisyon ay matagal nang dapat naipatupad subalit hindi naisagawa ng nagdaang administrasyon.
“Lahat tayo may problema at lahat tayo ay dumadanas ng hirap pero dapat na mahalin natin ang trabaho natin dahil ito ang tutulong sa atin”, ani Moreno.
Nalulungkot lamang si Moreno sa kanyang nakita sa CCTV dahil pinabababa ng mga enforcers ang kanilang dignidad na pilit nilang itinataas ni Estrada.
Sinabi ni Moreno na ang pagbibigay ng komisyon sa mga traffic enforcers ay tulong na rin pagbaba ng unemployment rate ng lungsod. Aniya, sinayang ng mga enforcers ang pagkakataon na makapagtrabaho gayong marami sa mga Pilipino ang hirap na makahanap ng trabaho.
Ayon naman kay MTPB Carter Don Logica, hindi naman sila nagkulang ng paalala sa kanilang mga tauhan kung saan dumaan pa ang mga ito sa seminar at training.
Aniya, kailangan lamang nilang ipatupad ang batas lalo pa’t pinabibilis at inaayos ang mga daloy ng trapiko sa iba’t ibang lugar sa Maynila.