2 traffic enforcer sa Maynila, huli sa kotong

MANILA, Philippines - Timbog ang dalawang miyembro ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB)  nang kumagat sa marked-money na ibinigay ng isang jeepney driver na na­saksihan ng mga operatibang nagpanggap na pasahero, sa isinagawang entrapment operation sa bahagi ng Ayala Boulevard, panulukan ng San Marcelino St. , sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Nakakulong na sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang mga suspek  na sina Danilo Abundo, 51, at  Laurence Sebastian, 28.

Sa ulat ni Chief Inspector Arsenio M. Riparip, hepe ng MPD-GAIS , dakong alas- 4:00 ng hapon nang maaresto ang dalawang suspek  makaraang tanggapin ng mga ito ang 2 pirasong tig- P100 sa tsuper na hindi na nagpabanggit ng pangalan.

 Sinabi ni PO3 Rodel Benitez, nanguna sa operasyon,  na marami ng reklamo ang natanggap nila hinggil sa pangongotong ng mga miyembro umano ng MTPB sa lugar .

Kamakalawa ng gabi nang isalang sa inquest proceedings ang dalawa sa Manila Prosecutor’s Office.

 

Show comments