Dalawang buwan nawala, dalaga patay na nang makita
MANILA, Philippines - Sa punenarya na natagpuan ang isang dalaga matapos ang dalawang buwang paghahanap dito ng kanyang pamilya nang hindi ito nakabalik matapos magpaalam na pupuntahan ang bibili ng mga gadget na ibinebenta ng una sa social network sa Caloocan City, kamakailan.
Nakilala ang biktima na si Angel Timbal, 19, ng Coloong, Valenzuela City.
Sa pahayag sa Caloocan City Police, ng ina ng biktima na si Maribel, noong nakalipas na Mayo ay nagpaalam ang dalaga na pupuntahan ang bibili ng mga gadget na inaalok ng biktima pero hindi na ito nakabalik.
Kamakalawa ay natagpuan ang bangkay ng biktima sa Jade Funeral Homes sa Caloocan City ng kanyang pamilya matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil dito.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, na natagpuan ang bangkay ng biktima sa madamong bahagi ng Barangay 171 sa Caloocan City noong nakalipas na Mayo 18, 2014. Pinatay sa sakal ang dalaga kung saan hinihinalang hinalay pa ito makaraang makuha sa bulsa ang bikini na suot nito.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa insidente.
- Latest