Holdaper sa on line selling, timbog

MANILA, Philippines - Nagwakas ang modus operandi ng isang lalaking ginagamit ang on line internet trading para makapangholdap, matapos na maaresto ng awtoridad ilang minuto matapos na mambiktima ng isang negos­yante sa kahalintulad na transaksyon sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Sa ulat ni Supt. Osmundo de Guzman, hepe ng  Quezon City Police District Station 1, nakilala ang suspek na si Robert Joaquin, 32, binata, ng Block 6, Lot 8, Metrovilla Subd., Valenzuela City.
Siya ay naaresto ka­­sunod nang pambi­biktima sa negosyanteng si Kirk Andrew Maglaya, 32, ng Tandang Sora, Quezon City.

Nangyari ang pag­dakip sa  harap ng isang simbahan sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue, Brgy. Pag-ibig, ganap na alas-7:15 ng gabi.

Si Maglaya ay nagne­negosyo sa pamama­gitan ng internet trading kung saan naka-post sa internet ang mga ibinebenta nitong iba’t ibang merchandize.

Dahil dito, nagkunwa­ring bibili ang suspek ng ibinibenta ng bik­timang IPhone 5s at itineks nito ang biktima kung saan nagkasundo sila na magkita sa nasabing lugar para doon magbayaran.

Nang magkita na ang dalawa sa nasabing lugar­, sa halip na pera ay patalim ang inilabas ng   suspek at tinutukan ang biktima sabay deklara ng holdap. Nang makuha ang dalang cellphone sa biktima ay saka nagtatakbo na ang suspek patungong north-bound lane ng A. Bonifacio.
Hindi naman nawalan ng loob ang biktima at nagsisigaw ng saklolo, na nakakuha ng atensyon sa ilang taumbayan at hinabol ang suspek kung saan ito nadakip.Sa pagsisiyasat ng PS1, lumilitaw na ikalawang pagkakataon nang nabiktima ng suspek ang negosyante sa kahalintulad na modus ope­randi kung saan naganap ito noong May 7, 2014 sa may kahabaan ng J. Manuel St., Grace Park Caloocan City.
 

Show comments