Nagbiro sa bagong gising, dinedo
MANILA, Philippines - Minsan pang napatunayan ang panganib sa kasabihang ‘Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising’.
Ito’y matapos na isang lalaki ang masawi makaraang pagsasaksakin ng isang pahinante ng trak matapos na magtalo ukol sa masamang biro ng una sa bagong gising na suspect, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Agad na nasawi dahil sa tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Tomas Malicdem, at naninirahan sa Canberra Street, Vista Verde Executive Village, Llano, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na si Juan Abilar, 50, ng Toronto Street, ng naturang subdibisyon.
Sa ulat, kagigising lamang ng suspek dakong alas-5:20 ng madaling araw at lumabas ng bahay upang bumili ng makakain. Nakasalubong naman nito ang biktima na may binitiwan umanong biro na minasama ng suspek.
Dito umusbong ang mainitang pagtatalo hanggang sa magbunot ng dalang patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima saka mabilis na tumakas.
- Latest