MANILA, Philippines - Nasa “hot water” ngayon ang anim na tauhan ng Bureau of Immigration (BI) matapos makatakas ang isang Vietnamese national na illegal na nakapasok sa bansa.
Ayon kay BI Commissioner Siegfred Mison, pinagpapaliwanag niya ang tatlong tauhan ng Intelligence Division at tatlong tauhan ng Airport Operation Division (AOD) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2. Tumanggi munang ibunyag ni Mison ang pangalan ng mga sangkot.
Paliwanag pa ni Mison na sakaling mapatunayang nagpabaya ang mga ito sa tungkulin ay maaaring maharap sa kasong administratibo tulad ng gross neglect of duty at grave misconduct.
Binigyan ng BI ng 7-araw ang nasabing mga tauhan nito na magpaliwanag at karagdagang 7-araw para pag-aralan ng board of inquiry ng ahensya ang sagot ng mga ito.
Sinabi pa ni Mison na nakipag-ugnayan na ang ahensya sa mga opisyales ng Vietnamese embassy sa bansa upang mapadali ang paghahanap sa Vietnamese national na nakilalang si Phan Tan Loc, na posibleng nananatili pa sa Metro Manila.
Base sa record ng BI, dumating sa bansa ni Phan sakay ng PAL-5J752 galing Saigon, Vietnam noong nakalipas na Sabado subalit nang dumaan ito sa immigration counter ay wala itong maipakitang hotel booking kung saan ito pansamantalang mananatili.
Subalit sa hindi malamang dahilan ay nagawang makapuslit ng Vietnamese national hanggang sa tuluyang makalabas ng paliparan.