MANILA, Philippines - Makaraang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa lupa sa kuwarto, napatay ang isang 63-anyos na lola ng kanyang 35-anyos na tenant, kahapon ng tanghali sa Sta. Cruz, Manila.
Dead-on-arrival sa Chinese General Hospital, sanhi ng isang malalim na saksak sa katawan ng biktimang si Imelda del Rosario, negosyante ng Kalimbas St., Sta. Cruz, habang mabilis namang tumakas ang suspek na nakilalang si Allan Olano, may asawa, ng nasabing lugar.
Ayon kay Senior Insp. Steve Casimiro, hepe ng MPD-Homicide Division alas-11:00 ng tanghali, nang maganap ang nasabing insidente malapit sa paupahang bahay ng biktima sa naturang lugar.
Sa report ng pulisya, kumatok umano ang biktima sa paupahan nitong kuwarto at nakausap umano nito si Olano, hinggil umano sa paniningil nito ng upa.
Dito na umano nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa, hanggang sa mairita umano ang suspek at undayan ng saksak ang biktima.
Madalas umanong nagkakaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek subalit nadadaan naman sa pakiusapan hanggang sa muli itong magkausap at magtalo kahapon.