MANILA, Philippines - Utas ang isang 28-anyos na lalaki nang barilin sa loob ng kaniyang bahay ng hindi pa kilalang suspek, kamakalawa ng gabi, sa Tondo, Maynila.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Francisco Aleta Jr., ng Quirino St. Tondo, Maynila dahil sa dalawang tama ng baril sa ulo at tagiliran.
Sa ulat ni PO3 Crispino Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-6 :00 ng gabi sa mismong inuupahang silid ng biktima, ilang minuto lamang makaraang umalis ang live-in partner nitong si Tony Ann Salazar.
Nagpaalam umano ang babae na pupunta sa kaniyang nanay kaya naiwang mag-isa ang biktima na sinamantala naman ng suspek.
Isang bata ang nakakita sa duguang biktima at inireport ito sa barangay ang insidente.
Patuloy pa ang imbestigasyon habang inilagak naman sa St. Rich Funeral Homes ang bangkay.