Obrero nagbigti

MANILA, Philippines - Isang construction worker­ ang nagpatiwakal dahil sa  hindi na nito makayanang sakit at pangungulila sa kanyang pamilya, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Nakilala ito na si Samuel Martinez, 40, stay-in worker sa  3rd St. Pildera 2, Zone 20 Brgy. 194 ng nasa­bing lungsod matapos itong magbigti ng isang kulay dilaw na lubid.

Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Jenomar Jeraldino, ng Station Investigation and Detective Ma­nagement Section ng Pasay City Police, alas-4:10 ng madaling-araw nang matagpuan ang biktima sa unang palapag ng kanilang ginagawang gusali sa Pildera St., Zone 20, Brgy. 194 ng na­turang lungsod.

Ayon kay Jun Bana­dera, 42, kasamahan sa trabaho ng biktima, bandang alas-3:00 ng madaling-araw nang ma­gising siya upang magtungo sa comfort room, subalit napansin niyang wala sa kanilang tulugan sa ikalawang palapag si Martinez, kung kaya’t hinanap niya ito.

Subalit pagbaba ni Banadera sa unang palapag ay tumambad sa kanyang harapan ang nakabigting biktima.

Ayon pa kay Banadera huling nakita niyang buhay ang biktima noong Linggo ng umaga na tila wala sa sarili at tahimik lamang ito.

Bukod pa rito, halos isang linggo nang dinadaing ng biktima ang kanyang sakit na arthritis, dahilan upang maging malungkot ito lalo pa’t malayo ito sa kanyang pamilya.

 

Show comments