Lalaki lumutang sa Ilog Pasig
MANILA, Philippines - Isang lalaki na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip at lagalag ang nakitang lumulutang matapos na malunod sa Pasig River, sa bahagi ng Muelle dela Industria, sa Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ni SPO1 John Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section ang biktima na nasa edad na 40 hanggang 45, may taas na 5’2-5’4, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot lamang ng shorts na dirty white.
Ang Philippine Coast Guard (PCG) ang nakatagpo sa bangkay ng biktima na lumulutang sa ilog at itinawag sa MPD dakong alas 6:30 ng umaga.
Bagamat walang nakakakilala sa biktima, madalas umano itong pagala-gala sa lugar na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip.
Batay sa nakuhang impormasyon ni Duran, nakita nina Irene Aquio, 30 at Christine Joy Mace, 25 ang nasabing biktima na tumalon sa ilog dakong ala 1:00 ng hapon noong Sabado at nagulat na lamang sila nang mabalitaang nalunod ito.
Inakala lamang umano ng dalawa na maliligo lamang ang biktima at hindi nila inisip na malulunod ito.
Nakitaan ng dugong lumaÂbas sa ilong ang bangkay ng biktima at wala namang iba pang sugat o palatandaan na ito ay pinahirapan o sadyang pinatay.
- Latest