2 Tsino tiklo sa P25-M shabu

Sinusuri ni QCPD District Director P/Chief Supt. Richard Albano ang nasamsam na limang kilo ng shabu at cash money mula sa mga suspek na sina Benedict Santos Ong at Benson Santos Lao matapos ang buy-bust operation sa kahabaan ng North Fairview sa Regalado Avenue, Quezon City kahapon. (JOVEN CAGANDE)

MANILA, Philippines - Aabot sa P25 milyong halaga ng bawal na droga ang nasamsam makaraang masakote ng pulisya ang da­lawang Tsino na sina­sabing nagpapakalat ng bawal­ na droga sa Kalakhang Maynila sa inilatag na buy-bust ope­ration sa Barangay North, Fairview, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Isinailalim sa tactical interrogation ng mga tauhan ni Quezon City PNP District director P/Chief Supt. Richard Albano, ang mga suspek na sina Benson Lao, 51, ng Poblacion, Guiguinto, Bulacan; at Benidict Ong, 38, ng Sta. Cruz, Manila.
Lumilitaw na isinailalim sa surveillance ng grupo ni P/Senior Insp. Roberto  Razon ang mga suspek matapos na mapag-alamang sangkot ang mga ito sa malawakang bentahan ng droga sa na­sabing lugar.
Kasunod nito, inilatag ng mga awtoridad ang buy-bust operation sa Regalado Ave­nue malapit sa panulukan ng Burbank Street sa nasabing barangay kung saan nasakote ang mga suspek.
Nasamsam sa mga suspek ang limang pakete ng shabu at 15-bundle ng pera, cellphone, wallet na may iba’t ibang pera ng Chinese, at ang Toyota Vios na may plakang ZCT-167.
 

Show comments