Lineman ng Meralco binoga ­dahil sa jumper

MANILA, Philippines - Nahulog mula sa poste ng Meralco (Manila  Electric Company) ang 35-anyos na lineman matapos barilin ng hindi pa kilalang gunman na posibleng apektado sa ginagawang pagpuputol ng mga iligal na koneksiyon sa kuryente sa Port Area, Maynila  kahapon ng umaga.

Ginagamot  sa Manila Doctors  Hospital ang biktimang si Jobylen Salazar y Hamile dahil sa tinamong tama ng bala sa braso.

Sa ulat ni P/Supt. Rolando Macapaz, hepe ng Manila Police District-station 5,  dakong alas-8 ng umaga nang maganap ang insidente  sa 13th Street,  Port Area.

Habang nagpuputol umano ng kable ng kuryente ang biktima nang makarinig na lamang ng putok ng baril ang tatlong police escort nito at kasunod na ang pagkahulog ng biktima mula sa itaas ng poste.

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga awtoridad, kabilang ang pagsuyod sa mga kalapit na gusali subalit bigong matagpuan ang sniper.

Hinihinalang nasa likod ng pamamaril ang mga residente na natanggalan ng iligal na koneksiyon.

Show comments