Pader gumuho: 2 patay, 6 jeepney pisak

Pinagtutulungan ng mga awtoridad na maialis ang dalawang biktima na nadaganan ng gumuhong pader sa kahabaan ng Malasimbo Street sa Barangay Masambong, Quezon City. Nabagsakan din ng pader ang mga pampasaherong jeepney na nakaparada sa nasabing lugar. Bening Batuigas

MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na namatay habang anim namang pampasaherong jeepney ang nawasak makaraang madaganan ng gumuhong pader ng bodega sa Barangay Masambong, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Norma Magada, 44, ng Barangay Masambong; at Robin Leuterio, 22, ng San Idelfonso, Bulacan.

Kasamang nadaganan ng pader ang anim na pampasaherong jeepney na ang isa ay ginagawang tirahan ni Magada. 

Sa ulat ni PO3 Marlon dela Vega, nagnap ang trahedya sa panulukan ng Mauban Street at Malasimbo Street sa nasabing barangay bandang alas-8:40 ng gabi.

Nabatid na ang pader ng warehouse ng kompanyang LG Atkimson na may 50 metro ang haba at 30-metro naman ang taas ay ginawang paradahan ng mga pampasaherong jeepney.

Lumilitaw din na gumuho ang pader kasama ang mga scaffolding kung saan tinamaan sa ulo si Magada habang si Robin naman nabagsakan ng debris ng gumuhong pader.

Pinaniniwalaang mahina ang pundasyon ng pader kaya naganap ang trahedya habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments