MANILA, Philippines - Dinakip kahapon ng hapon ang anim na kalalakihan na hinihinalang suspek sa pamamaril sa Quezon City na ikinasawi ng lima katao nitong nakalipas na Linggo ng madaling-araw.
Ayon kay Inspector MaÂricar Taqueban, hepe ng Public Information Office ng Quezon City Police District, nadakip ang mga suspek sa Fairmont Subdivision, North Fairview, Quezon City dakong alas-4:00 ng hapon.
Sinabi ni Taqueban na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga tauhan ng QCPD sa naturang lugar nang madakip ang mga suspek.
Nilinaw ni QCOD director Chief Supt. Richard Albano na isa sa anim na nadakip na nakilalang si Alsaid Mindalano, 28, ang nagsilbing driver ng motorsiklong ginamit sa pamamaril sa Fairview noong Linggo.
Nakilala ang iba pang nadakip na sina Bochary Mindalano, 28; Anmad Madkadato, 18; Cesar Ate, 45; Mangontawar Monib, 31 at isang 16-anyos na binatilyo. Nauna rito, pinagbabaril ng mga hinihinalang adik na suspek na riding-in-tandem ang lima katao sa Fairview, Quezon City nitong nakalipas na Linggo ng madaÂling-araw.
Samantala, malawakang revamp ang giit ni Quezon City Mayor Herbert Bautista kay PNP Chief Allan Purisima sa mga opisyal ng pulisya sa lungsod.
Sa ginanap na press conference kahapon, inamin ni Bautista na siya ay nalulungkot at hindi na nasisiyahan sa trabaho ng mga kapulisan sa lungsod bunga ng sunud-suÂnod na insidente ng krimen na ang huli nga ay ang naganap na pamamaril sa Fairview.
“I am frustrated and I am sad. Its about time to change,†pahayag ni Bautista. Anya, hindi na siya nasisiyahan sa trabaho ngayon ng Quezon City police dahil sa serye ng kriminalidad na nagaganap sa lungsod.
Naniniwala rin ang alkalde na hindi ginagawa ng mga ito ang kanilang trabaho sa kabila ng suporta ng QC government suÂbalit tila nagre-relax lamang ang mga ito.
Dagdag pa ni Bautista mukhang kapag high profile ang biktima ng krimen ay nabibigyan ng pansin, subalit kapag simpleng mamamayan ay hindi napagtutuunan.
Hindi naman tuwirang binanggit ni Bautista kung dapat sibakin sa puwesto si Albano.
Nauna nang sinabi ng QCPD na trip lamang ng mga suspek ang posibleng motibo ng pamamaril sa mga biktima sa naganap na pamamaril noong Linggo.
Kaugnay nito, sinibak na ang precinct commander ng Fairview, Quezon City dahil sa naganap na pamamaril. Inalis na sa puwesto si PCP commander Police Chief Insp. Ramon Cabili dahil sa kabiguan nitong mamantine ang katahimikan at kaayusan sa kanyang nasasakupan.
Si Cabili ang pinuno ng police precinct na pinangyaÂrihan ng sunud-sunod na paÂmamaril sa Fairview Regalado sa Commonwealth noong Linggo.