MANILA, Philippines - Isang ginang kasama ang 6-na buwan na anak na iniulat na dinukot ng mga armadong suspect kamakailan sa Quiapo, Maynila ang nabawi na kahapon ng mga awtoridad.
Iniharap sa media nina MPD Director C/Supt. Rolando Asuncion at MPD-General Assignment Section chief, C/Insp. Dennis Wagas ang na-rescue na sina Karima Sarip, 32; at ang kalung-kalong na sanggol na babaeng si Baby Sarip, 6-na buwang gulang dakong alas-8:00 ng gabi kamakalawa.
Patuloy pa ang pagtugis sa mga suspek na ilan sa kanila ay kinilala lamang sa mga pangalang Omar Buali, Faridah Buali, isang alyas Pangalian, isang alyas Rex at isang alyas Aiza.
Ayon sa ulat alas-7 ng gabi noong Huwebes nang makatanggap ng impormasyon si C/Insp. Wagas hinggil sa pagpapalaya umano sa mag-inang biktima kasunod ng negosasyon, kaya agad nagtungo sa Quiapo, Maynila, kung saan matagumpay na nabawi ang mag-ina, bagamat walang suspek na inabutan.
Sinabi ni Wagas na Mayo 4,(Linggo) nang magpa-blotter sa Barangay 383, Zone 39 ang mister ni Karima na si Kadafi Sarip, 40, matapos tutukan ng mga baril at bitbitin ng mga armadong lalaki ang kaniyang mag-ina mula sa inuupahang kuwarto sa Arlegui St., sa Quiapo.
Isinakay umano sa kulay pula na Revo ng 3 lalaki habang ang back-up na itim na Montero naman ay may sakay na 6-pang katao.
Kinabukasan ay nagpasaklolo na sa tanggapan ni Wagas si Kadafi at nitong Mayo 6, nang magsagawa ng follow-up operation sa Cavite subalit negatibo ang operasyon.
Sa pahayag naman ng biktimang si Karima, target umano ng mga suspek na kunin ang kaniyang asawa subalit pinagtago niya ito kaya siya na lamang ang kinidnap at dinala sa isang bahay sa Cavite City at doon ikinulong sa isang silid na nakapadlock sa loob ng 4 na araw.
Nang tanungin si Karima kung bakit sila dinukot, ipinaÂliwanag niya na ang asawa niyang si Kadafi ang target dukutin dahil nagsumbong umano ang kapitbahay niyang babae sa kaanak, na nakikialam sa away-babae ang mister niya.
Patuloy naman ang isinasagawang operasyon laban sa mga suspect.