Sa kasong grave coercion Deniece, utol ni Cedric, naghain ng not guilty plea

Ang actor/TV host na si Vhong Navarro kasama ang kanyang girlfriend sa pagdalo sa isinagawang pagdinig sa Taguig RTC sa kasong grave coercion na isinampa kina Deniece Cornejo, Cedric Lee at kasamahan ng mga ito. (Kuha ni EDD GUMBAN)  

MANILA, Philippines - Kapwa naghain  ng ‘not guilty plea’  ang freelance model na si Deniece Cornejo at ang kapatid ni Cedric­ Lee na si Bernice sa isinagawang arraignment kahapon para sa kasong grave coercion na isinampa ng TV host /actor na si Vhong Navarro sa Taguig City Metropolitan Trial Court, Branch 74.

Nabatid na dumating si Cornejo sa naturang sala na bantay sarado ng mga pulis na nag-escort dito mula sa Camp Crame.

Noong nakaraang Martes ang naghain naman ng not guilty plea para sa kasong serious illegal detention kay Cornejo ay ang Taguig City Regional Trial Court, Branch 271.

Ayon sa kampo ni Navarro sa pamamagitan ng abogado nito na si Atty. Alma Mallonga, nabatid na bigong  sumipot sa pagbasa ng sakdal ang iba pang akusado na sina  Ferdinand Guerrero;  JC Calma at Jed Fernandez at maging sina Cedric Lee at Zimmer Raz.



Dahil dito, pinapawalang-bisa na ng korte ang piyansa para kay Fernandez at nakatakdang mag­labas uli ng warrant of arrest laban dito kung saan nauna itong naglagak ng piyansa para sa kaso nitong grave coercion.

Sa naging kahilingan kahapon sa korte ni Mallonga, pinagpapaliwanag nito ang National Bureau of Investigation (NBI) kung bakit hindi nakasipot sina Cedric at Raz sa pagdinig.

Mariing giniit ni Mallonga, na dapat bigyan ng korte ng ngipin ang na­ging  ka­utusan nito sa NBI na ilipat na sa Taguig City Jail sina Cedric at Raz matapos ibasura ang hiling nilang manatili sa custody  ng NBI.



Napag-alaman na noon pang Mayo 6 ng taong kasalukuyan inilabas ng korte­  ang desisyon ukol dito.

Itinakda naman ng Taguig City Metropolitan Trial Court sa Hunyo 2 ang mediation process sa kasong grave coercion ng mga akusado.

Nanindigan naman ang aktor na hinding-hindi ito magpapa-areglo at tuluy-tuloy ang  kaso nito sa na­banggit na mga akusado.

 

Show comments