MANILA, Philippines - Dalawanpu’t-lima na kaÂtao ang nasugatan makaraang masunog at yanigin ng sunud-sunod na malalakas na pagsabog ang gusali ng Explosives and Ordnance Division (EOD) ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City kahapon ng tanghali.
Ayon kay Lt. Col. Noel Detoyato, Spokesman ng Philippine Army, bandang alas-10:25 ng umaga nang magkaroon ng sunog sa EOD Building ng Army Support Command sa loob ng compound ng Army Support Command (ASCOM) sa kahabaan ng Lawton Avenue.
Ilang saglit pa ay sunud-sunod na pagsabog ang narinig sa buong compound ng Army bunga ng insidente.
Sinabi ni Detoyato na isinugod na sa Philippine Army General Hospital para malapatan ng lunas ang mga naÂsugatang sundalo. Kabilang naman sa mga nasugatan ay ang videographer at photographer ng Hukbong Katihan.
Ayon sa opisyal, noong una ay parang mga paputok lamang ang sumasabog pero pagkaraan ng ilang minuto ay malalakas na pagsabog na ang sunud-sunod na yumanig sa lugar.
Mabilis namang nagÂresponde ang mga bumbero at ambulansya sa Army Support Command na nasa kahabaan lamang ng Lawton Avenue ng Philippine Army Headquarters.
Sinabi ni Detoyato na nahirapan ang mga bumbero na maapula ang apoy dahilan sa serye ng pagsabog kung saan idineklarang fireout pasado alas-12 ng tanghali.
Nilinaw naman ni Detoyato na malayo sa malaking armory o imbakan ng mga bala at baril ng Phil. Army ang nasunog na gusali.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa nilikhang pinsala ng sunog at sanhi nito, ayon pa sa opisyal.