Lola nakaligtas sa rapist

MANILA, Philippines - Nakaligtas sa rapist na 23-anyos na lalaki ang 60-anyos na biyudang lola matapos itong pasukin sa loob ng kaniyang silid sa bayan ng Guipos, Zamboanga del Sur kamakalawa. Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Marcosa Albarasin ng Purok Roxas, Sitio Kawayan sa Brgy. Balongating sa nasabing bayan.

Sumuko naman ang suspek na si Ramil Ondong, kapitbahay ng matandang biyuda sa naturang lugar. Bandang ala-1 ng madaling-araw nang maalimpu­ngatan ang matanda sa nilikhang kaluskos ng suspek na  binuksan ang pintuan ng kaniyang silid. Agad na dinamba ng suspek ang matanda na winasak nito ang damit at tinangkang halayin pero nagawang magsisigaw sa kanilang mga kapitbahay. Napilitan namang tumakas ang suspek bitbit ang damit nito sa takot na magulpe ng mga nagising na kapitbahay.

Show comments