Kris Aquino sinubukang sumakay sa Pasig River Ferry System

Ang actress/TV host na si Kris Aquino makaraang subukang sumakay sa Pasig River Ferry na proyekto ng MMDA na naglalayong makaiwas ang mga motorista sa matinding trapik sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. (Kuha ni EDD GUMBAN)

MANILA, Philippines - Sinubukang sumakay kahapon ng actress/ TV host at ng Presidential sister na si Kris Aquino  sa binuksang Pasig River Ferry System ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Nabatid na kasama ni  Kris na sumakay sa Ferry boat  mula sa Guadalupe station sa Makati City patungong Plaza Mexico sa Manila si MMDA Chairman Francis Tolentino kung saan personal  na inobserbahan ng naturang TV host ang naturang proyekto ng  MMDA bilang alternatibong  transportasyon sa Metro Manila na maaaring tangkilikin ng publiko lalo ngayon na tumitindi na ang nararasanang trapiko sa mga pangunahing lansangan.

Itinampok na rin ni Kris  sa kanyang TV program sa ABS-CBN ang naturang proyekto ng ahensiya.

Aminado naman ang TV host na base sa kanyang obserbasyon marami pang kailangan gawin upang lalong maging matagumpay ang proyekto at tangkilikin ito ng publiko partikular na dito ang pangangailangan na malinis ang ilog Pasig.

Ipinangako pa nito ang kanyang kahandaan na tumulong at  makiisa sa paglilinis sa ilog. Naniniwala ang aktres  na malaki  ang maitutulong  ng ferry boat lalo na umano sa mga estudyante. Kasabay nito,  mariing nanawagan na rin si Tolentino sa mga local government units (LGUs), na tumulong na rin sa paglilinis ng mga estero sa kanilang mga barangay.

 

Show comments