Kelot itinumba sa QC

MANILA, Philippines - Patay ang isang hindi nakikilalang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspect sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay PO2 George Caculba, inilarawan ang biktima sa pagitan ng edad na 20-25, payat, nakasuot ng violet na t-shirt, at short pants, may tattoo sa kanyang kaliwang balikat na”Machine”, “independent” sa kanang braso at imahe ng “Panther­” sa kaliwang bahagi ng kanyang balikat at leeg.

Blangko naman si Caculba sa pagkakakilanlan ng salarin, dahil tanging mga putok ng baril lamang anya ang narinig ng ilang testigo sa pinangyarihan ng insidente.

Sa ulat, alas-4:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa may Lanao St., Salaam compound, Brgy. Culiat.

Sabi ni Dickmama Guiani, nagbabantay siya sa kanyang tindahan nang makarinig ng mga putok ng baril sa labas nito.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa lugar ang anim na basyo at anim na tingga ng kalibre 45 baril na ginamit sa pamamaslang sa biktima.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky T. Tulipat with trainee Vanessa May Linsangan and Ella Mae Nuyles)

 

Show comments