MANILA, Philippines - Sinampahan ng patung-patong na kaso sa Pasay City Prosecutor’s Office ang isa sa mga miyembro ng ‘Martilyo gang’ na nadakip ng pulisya matapos salakayin ang isang jewelry store sa loob ng isang mall sa Pasay City.
Magugunitang sa naturang insidente tinamaan ng ligaw na bala ang isang kawani ng isang ice cream shop malapit sa sinalakay na establisimento kamaÂkalawa ng gabi.
Nakilala ang suspek na si Bryan Bansawan, alyas Mahdi L. Abedin, 23, na kinasuhan ng robbery, frustrated homicide, attempted homicide, illegal possession of fire arms and ammunition.
Nakumpiska rito ang isang caliber .45 na baril, isang magazine ng mga bala.
Patuloy namang pinaghahanap pa ng pulisya ang mga nakatakas na siyam na suspek kasama ang kanilang lider na nakilalang si Bryan Luminda, na sinasabing tinamaan ng bala; isang alyas Jayson at isang alyas Justine, na kasamahan ng nadakip.
Nilalapatan naman ng lunas sa San Juan de Dios Hospital si Brando Abdula, 20, nakatira sa Purok 6, Brgy. Lower Bicutan, Taguig City, kawani ng Spike Frozen Treats matapos itong tamaan ng ligaw na bala sa katawan.
Naganap ang insidente alas-7:20 ng gabi sa F&J Jewelry at Jewellers, na matatagpuan sa ground floor ng isang mall sa Macapagal Avenue ng naturang siyudad. Dahil dito ay nabalot ng tensyon ang naturang mall matapos marinig ang sunud-sunod na putok ng baril. Agarang isinara ang mall at kinorÂdonan ang harapan nito maging ang bahagi na papasok sa department store.
Nakitang tumatakbo ang isang lalaki at ito nga ang suspek na si Bansawan hawak ang isang baril, na sinasabing kabilang sa mga suspek, na nakipagpalitan pa ng putok sa mga unipormadong pulis na naka-duty sa mall.
Gayundin ang pahayag ng nadakip na si Bansawan, na dalawa lamang silang sumalakay samantalang sinasabi nito na ni-recruit lamang siya nina Jayson at Justine. Posibleng mga tubo at plais ang ginamit ng mga suspek sa panghoholdap na narekober ng mga awtoridad sa naturang lugar.