Karpintero binaril dedo

MANILA, Philippines - Isang karpintero ang patay makaraang pasukin siya sa loob ng kanyang bahay ng hindi nakikilalang salarin at barilin sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay SPO2 Cris Zal­darriaga, dahil sa bilis ng pangyayari, wala man lang nakakita sa itsura ng salarin ni Gebero Jerardo, 53, may-asawa ng no. 29 Gumamela St., Brgy. Payatas A, ng nasabing lungsod na mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril.

Nangyari ang insi­dente alas-9 ng gabi habang ang biktima at kanyang anak na si Julie Ann ay nanonood umano ng tele­bisyon.

Ilang sandali, biglang pumasok umano ang salarin at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima, saka mabilis na tumakas.

Bagama’t sugatan, nagawa pang utusan ng biktima ang anak na humingi ng  tulong para itakbo siya sa East Avenue Medical Center, subalit makalipas ang ilang oras ay idineklara din itong patay.

Nagtamo ang biktima ng  isang tama ang bala sa kanyang kaliwang dibdib na siyang ikinamatay nito.

Show comments