5 huli sa illegal drugs

MANILA, Philippines - Lima katao ang  dinakip ng Manila Police District- Plaza Miranda PCP matapos na mahuli sa aktong  nagbebenta at  nagpa-pot session sa loob ng isang barung-barong sa loob ng Quinta Market sa Quiapo, Maynila.

Kinilala ang mga  inaresto na sina Sabel Austria, 34; Amelia­ Cortes, 40; Ali Usop, 17, pawang mga residente ng  #24 Oscaris st., Quiapo; Ma. Luz Silverio, 47,  ng #101 P. Ducos, Quiapo at Rizalina Tiamzon, 51, ng  #22 Villalobos, Quiapo. Ang mga dinakip ay sasampahan ng kasong paglabag sa Sec. 12 at 15  ng  RA 9165.

Sa report ni  Insp. Rommel Salandanan Anicete,  Plaza Miranda-PCP Commander, nakatanggap umano sila ng report  hinggil sa paggamit ng  illegal drugs sa  isang  barung-barong sa loob  ng nasabing palengke.

Agad na nagsagawa ng plano si Anicete upang   makumpirma ang  report kasabay ng koordinasyon sa mga barangay officials.

Matapos na makupirma ang report, agad na nagtungo sa lugar ang mga awtoridad hanggang sa maaktuhan si Austria na nagbebenta ng pinaniniwalaang shabu kapalit ng  halagang  P200.  Bagamat nakatakas ang buyer nakuha naman  kay Austria ang  dalawang P100 peso bill, dalawang  heat sealed transparent plastic sachets  na pinaniniwalaang shabu bukod pa sa limang sachet na nakuha sa cabinet  sa loob ng bahay nito.

Dahil dito, ikinanta naman ni Austria  ang  pagpa-pot session nina Cortez, Usop, Silverio at  Tiamzon  sa ikalawang  pa­lapag ng  barung-barong kung saan naaktuhan  ang mga ito.

Nakumpiska  sa apat ang  walong aluminum foils, isang  improvised tooter,  dalawang  lighters at isang heat sealed transparent plastic sachet ng shabu.

Nasaksihan naman ni  Bgy. 306 Ex-O Jay Walter Paterno Dowell ang pagkumpiska sa mga   drug paraphernalia.

 

Show comments