Abogado utas sa ambush ng tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang 54-anyos na abogado nang ambusin ng riding in tandem na suspect habang ang una ay sakay ng kanyang kotse kahapon ng umaga sa Sta Ana, Maynila.
Samantalang hindi naman nasugatan ang driver at misis na kasama ng nasawi ng maganap ang insidente.
Kinilala ang biktimang si Atty. Clemente Laudencia, tubong Nueva Ecija, ng Mandaluyong City, na diumano’y corporate lawyer ng San Miguel Corporation at may-ari ng isang printing press sa Sta. Ana, Maynila.
Ang biktima ay nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Sta. Ana Hospital dahil sa tinamong tama ng bala sa leeg, katawan at braso.
Hindi pa nagpaunlak ng pahayag sa media ang misis ng biktima habang nasa MPD-Homicide Section.
Blangko pa ang mga awtoridad sa pagkilanlan sa mga suspect na mabilis na tumakas sakay ng hindi naplakahang motorsiklo.
Sa inisyal na ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas- 10:15 ng umaga nang maganap ang nasabing pananambang, malapit sa Sta. Ana Hospital habang lulan ang biktima sa kanyang kulay gray na Honda Civic (ZNP-207) sa panulukan ng Panaderos at Azucena Sts., sa Sta., Ana.
Galing umano sa printing press ang mag-asawa at driver at habang binabaybay ang nasabing lugar ay nakaabang na umano ang rider na gunman, habang sa hindi kalayuan ay ang look-out naman na isa pang lalaki.
Nagtataka umano ang mga nakatambay kung bakit may 30 minuto na ang mga suspek na tila may inaabangan bago ang pamamaril.
Habang nakahimpil ang motorsiklo ay biglang nilapitan ang kotse ng biktima at niratrat at saka bumalik sa motorsiklo sabay angkas naman ng look-out papatakas sa direksiyon ng Lambingan bridge.
Inaalam pa ng pulisya kung makakakuha ng footages ng closed-circuit television sa lugar ng insidente dahil katabi lamang ang ospital.
- Latest