Tanod, tinodas ng kabarangay

MANILA, Philippines - Patay ang isang volunteer  tanod matapos itong barilin ng lasing na kabarangay habang nagpapahangin sa labas ng kanilang bahaysa Malabon City kamakalawa ng hapon.
   

Dead-on-arrival sa Pagamutang Lungsod ng Malabon (PLM) si Jerry Cañete, nasa hustong gulang, ng Luna 2 Ext., Bgy. San Agustin sanhi ng tinamong tama ng bala ng .9mm caliber pistol sa tiyan.

Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek na si Edwin Ignacio, 35, ng Magsaysay St., ng nasabi ding barangay.

Sa pinagsamang imbestigasyon nina PO2 Roland Angeles at PO1 Junny Delgado, ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong-5:45 ng hapon ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima.

Nabatid na nagpapahangin ang biktima nang bigla na lamang dumating ang lasing na suspek na armado ng baril at walang sabi-sabing pinutukan ang naturang  tanod.


Matapos ang pamamaril ay  mabilis na tumakas ang suspek dala ang ginamit na baril habang isinugod naman sa nabanggit na pagamutan ang biktima ngunit hindi na rin ito umabot ng buhay.

 

Show comments