Batas sa paulit-ulit na gumagawa ng krimen bigyan ng pangil – QCPD

MANILA, Philippines - Kailangan umanong may pangil ang batas laban sa mga notorious criminals.

Ito ang sinabi ni Chief Superintendent Richard Albano, director ng Quezon City Police District, bilang tugon sa kaso ng naarestong lider ng ‘Gapos gang’  na si Jonathan Cuya.

Ayon kay Albano, maraming kaso ng tulad ni Cuya na paulit-ulit lamang na naaaresto pero mabilis ding nakakalaya dahil na rin sa mahinang batas na pinaiiral dito para makasuhan.

Kaya naman hiniling ng opisyal sa mga mamba­batas na mag-amyenda ng batas na hindi na ma­aaring makapag-piyansa ang itinuring na ‘re­cidivist criminals­’.

Si Cuya ay nadakip nitong Miyerkules kasama ang apat pang galamay habang nagbabakasyon sa isang resort sa Olongapo City matapos ang pag-atake sa isang bahay sa Quezon City noong Lunes.

Ang grupo ni Cuya ay isinailalim na sa inquest proceedings sa kasong illegal possession of firearms and explosives at robbery in band.

Ang huling pag-aresto kay Cuya ay noong June ng nakaraang taon matapos na makuhanan ito ng isang carnap na sasakyan.

Pero sabi ni QCPD deputy director for operations Senior Superintendent Pro­copio Lipana, nakaengkwentro na niya si Cuya nang siya ay hepe pa ng pulisya sa San Juan City noong 2009.

Sa kasalukuyan, si Cuya ay 23 na taong gulang at teenager pa ito noong 2009 kung saan ito nagsimula sa kanyang operasyon.

 

Show comments