Rider lasog sa jeep

MANILA, Philippines - Sumuka ng maraming dugo at kagyat na nasawi ang isang aplikante sa pagpupulis  nang mabangga at tumilapon ng  ilang metro ng isang dyip na may kargang mga gulay sa panulukan ng Remedios at San Marcelino Sts. sa Paco, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni PO2 Junjun Jasmines, ng Manila Police Traffic Enforcement Unit, ang biktimang si Dave Robert­ Ilopitan ng Muñoz St., Manila.

Dinatnan ng mga awto­ridad na nakasubsob at duguan sa gitna ng kalye ang biktima.

Wasak din ang minamaneho niyang kulay pulang motorsiklo na sumadsad naman sa gutter o bangketa sa nasabing kalye na sakop ng Brgy. 691, Zone 75, sa Paco.

Sa ulat, dakong alas- 2:00 ng madaling araw ng Martes nang masalpok umano ng hindi naplakahang dyip ang motorsiklo ng biktima, na naka­ladkad  at tinakasan.

Galing umano sa isang padasal sa J.Bocobo St. ang biktima at ilang  kaibigan at papauwi na nang maganap ang aksidente.

Isang kaibigan pa ang nagkuwento na nagbibiro  at masaya pa si Ilopitan noong sila’y magkakasama at matapos umanong  mag-rosaryo, nagpaalam nang uuwi ang biktima kaya nagulat na lamang sila nang mabalitaan ang sinapit nito.

Show comments