MANILA, Philippines - Patay ang isang 37-anyos na kasambahay nang mahagip at makaladkad ng ilang metro ng dumaraang tren sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead on the spot ang biktima na si Doneza de Guzman, tubong Bicol at stay-in housemaid sa bahay ng isang Elvira Dimasacay sa Sta. Mesa, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Rey Fernandez ng Manila Traffic Bureau, dakong alas- 9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa riles ng Philippine National Railways (PNR) malapit sa PNR-Sta Mesa Station.
Inutusan umano ang nasabing biktima para mamalengke at nang papatawid sa may riles ay nahagip ng tren na papuntang Alabang at may body number (MSCE 937).
Sinabi naman ng isang Rodel Hernandez, mukhang tulala o may malalim na iniisip ang biktima nang maganap ang trahedya.