Pintor inatado ng vendor

MANILA, Philippines - Isang pintor ang patay makaraang pagsasaksakin ng isang vendor matapos ang mainitang pagtatalo sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni PO2 Alvin Quisumbing, ang biktima na si Rodante Julian, 44, may-asawa ng 2005 E. Rodriguez Sr., Block 5, Brgy. Damayan Lagi sa lungsod habang  tinutugis naman ng  mga otoridad  ang suspek na  si Gary Agcaoli, 42, may-asawa, fish vendor na mabilis na tumakas makaraan ang krimen

Ayon kay Quisumbing, nangyari ang insidente sa may harap ng CHM hardware na matatagpuan sa Brgy. Damayang lagi, ganap na alas 3 ng madaling-araw.

Lumilitaw na  nagtalo ang biktima at suspek sa lugar sa hindi mabatid na dahilan, hanggang sa awatin sila ng isang Jeffrey John Yruma.

Hindi umano nagpa-awat ang suspek, sa halip, hawak ang patalim ay inundayan ng sunud-sunod na saksak sa buong katawan ang biktima, saka mabilis na tumakas.

Ang biktima naman ay isinugod ng isang Jamyr Nuqui sa  Delos Reyes Hospital para magamot subalit idineklara din itong patay.

Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing in­sidente.

 

Show comments