3 MMDA enforcers inireklamo nang pambubugbog ng driver

MANILA, Philippines - Tatlong enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dinampot ng mga awtoridad matapos umanong mambugbog ng isang driver sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Quezon City Police Station 9, nakilala ang mga inarestong enforcers na sina Anthony Solinas, Mark Lester Banaag at Juan Pagulayan. Sila ay inaresto makaraang ireklamo ng truck driver na si Enrico Derelo ng pananakit.

Nangyari ang insidente sa may kanto ng Philcoa at CP-Garcia sa Commonwealth Avenue, ganap na alas-12 ng madaling-araw. Ayon kay Derelo, sakay siya ng 10-wheeler truck galing Pasig matapos na maghatid ng kargamento at tinatahak ang nasabing lugar nang pahintuin siya ng nasabing mga traffic enforcer.

Dito ay pilit umanong hinihingi ng  mga ito ang kanyang lisensya, at dahil wala naman umano siyang nalalamang paglabag ay hindi niya ito ibinigay.

Tinanong pa anya siya ng tatlong MMDA kung ano ang karga ng kanyang minamanehong truck, kung kaya tinanong din niya ang mga pangalan ng mga ito. Nang hindi sumagot ay nagpasya si Derelo na bumaba ng kanyang truck kung saan umano siya pinagtulungang bugbugin ng tatlo.

Agad namang nakaalpas at nakahingi ng tulong si Derelo sa mga pulis at ipinaaresto ang mga enforcers. Itinanggi naman ng mga enforcers ang alegasyon.

Samantala, napag-alaman kay Supt. Richard Fiesta, hepe ng PS-9, na pinakawalan na nila ang tatlong traffic enforcer matapos na umano’y umurong na magreklamo ang biktima laban sa kanila at magkasundo sa isang pag-uusap.

Giit ng opisyal, sa ganitong sistema, hindi anya mapapatino ang ilang mga abusadong enforcers sa lansangan kung madalas na pinagbibigyan ang mga ito sa mali nilang ginagawa.

Show comments