MANILA, Philippines - Nagkaroon ng maikling tensiyon sa Light Rail Transit 1 sa pagsapit sa Doroteo Jose station sa Maynila, kahapon ng hapon.
Ito’y dahil sa usok na nakita ng ilang pasahero kung kaya’t nataranta ang mga tao lalo na nang may sumigaw na grupo ng kabataan ng sunog.
Nabatid na umusok ang isa sa mga bagon na nasa southbound lane habang papalapit sa Doroteo Jose station, na ayon kay Atty. Hernando Cabrera ng LRTA, ito ay dahil sa naipit ang brake ng tren.
Kinumpirma naman ni Senior Insp. Romeo Rosini, Alvarez, Police Community Precinct commander, na sa kanilang pagresponde ay nagpapanik ang mga tao dahil sa akalang nasusunog ang tren.
Maging ang mga nag-aabang sa platform na nakapila sa ticket booth ay nagsitakbuhan na rin sa hinalang may bomb threat nang magkaroon ng tensiyon sa mga pasahero.
Inilipat sa ibang tren ang mga naantalang pasahero at wala namang nasaktan sa insidente. Hindi naman nagÂtagal ay bumalik na sa normal ang sitwasyon sa LRT line 1.