Suspect arestado na rin mag-ina ang natagpuang patay sa Taguig

MANILA, Philippines - Kumpirmadong mag-ina ang natagpuang patay  matapos pukpukin ng bato sa ulo sa Taguig City, kamakalawa.

Naaresto na rin kahapon ng pulisya ang live-in partner ng ginang na sinasabing res­­ponsable sa karumal-dumal na krimen habang selos naman­ ang motibong nakita ng pulisya dito.

Kinilala ni police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis ang mga biktimang sina Jonalyn Gantiyao, 27 at anak nitong si Gwen Angel, 4, kapwa residente ng Zone 7, Minipark, Fort Bonifacio ng naturang lungsod.

Samantala, nakakulong na sa Taguig City Police detention cell ang suspek na si Danny Binono, 45, nakatira sa nasabing lugar, live-in partner ni Jonalyn.

Ayon kay Asis, selos ang motibo sa pagpatay sa mag-ina matapos makita ng suspek na may hawak na sabon mula sa isang hotel si Jonalyn dahilan para niya ito komprontahin ni Binono na humantong naman sa ma­initang pagtatalo ng dalawa.

Agad na lumabas ng bahay ang ginang akay ang anak gayunman, hinabol sila ng suspect at pinagpupukpok ng bato sa ulo.   

Magugunitang natagpuan ang bangkay ng mag-ina noong Huwebes alas-6:20 ng umaga sa may Fort Bonifacio, Global City ng naturang siyudad.

Nalaman din na hindi anak ni Binono si Gwen Angel.

Kamakalawa ng gabi nang maaresto ng pulisya ang suspek sa isang follow-up operation matapos itong ilarawan ng isang testigo na nakakita habang kausap ng mag-ina ang naturang suspek  sa mismong pinangyarihan ng krimen noong Miyerkules ng gabi.

Matapos  mabalitaan ang krimen kinabukasan kung kaya’t hindi na nagduda ang testigo na ang lalaking nakita niyang kausap ng mag-inang biktima ay ang suspek na si Binono na nagresulta nga sa pagkakaaresto nito.

 

Show comments