MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaking tumalon mula sa istasyon ng Light Rail Transit (LRT) kahapon ng umaga sa Pasay City.
Dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Romuel Joves, 25, binata, ng Kalayaan Village, Brgy. 201 ng naturang siyudad
Sa sketchy report ng Pasay City Police Homicide Section, naganap ang insidente alas-8:00 ng umaga sa railing ng train na kumokonekta sa LRT at MRT sa Taft at EDSA Avenue ng naturang lungsod.
Nabatid na kasama ng nasawi ang inang si Ludy Briones, 66, at patungo sana ang mga ito ng PCGH dahil magpapa-check-up ang biktima.
Ayon sa ina bigla na lamang umalis ang anak at tinangka niya itong sundan, subalit mabilis na nakaakyat ito sa tulay ng LRT-MRT at isinagawa na ang pagtalon. Huli na bago ito napigilan ng ginang.
Nabatid pa rin sa nanay ng biktima na matinding depression ang isa sa mga dahilan nang pagpapatiwakal ng kanyang anak at ilang araw na aniya itong hindi natutulog dahil sa panlalait ng kanilang mga kapitbahay na nagsasabing dalhin ito sa mental hospital.
Posible rin aniyang nag-isip ng malalim ang biktima dahil pinalalayas na umano sila sa kanilang tinitirhang bahay at lupa ng ibang babae ng kanyang ama na ang kasong civil ay naka-pending sa Pasay City Regional Trial Court. Dali-daling isinugod ang biktima ng Pasay City Rescue Team, subalit hindi na ito umabot ng buhay. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente.