^

Metro

Giit na pag-aalis sa truck ban, ikinairita ng MMDA

Lordeth Bonilla at Ludy Bermudo - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Nairita kahapon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa ilang lider ng grupo ng mga trucker matapos na tumangging lumagda ang mga ito para  pansamantalang solusyunan ang problema sa pagitan ng mga trucker  at pamahalaang lungsod ng Maynila kaugnay sa daytime truck ban.

Martes ng gabi ay nagkaroon muli ng pagpupulong sa tanggapan  ng MMDA na dinaluhan ng mga grupo ng mga trucker para solusyunan ang problema sa truck ban.

Subalit, nairita si Tolentino sa ilang leader dahil hindi pumayag ang mga ito na lumagda hinggil sa pansamantalang experimental solution sa naturang problema.

“Sa kanila nanggaling ang ganitong proposal, tapos nang mapagkasunduan na, naiba na naman ang kanilang kagustuhan at ang nais nila ay wala ng truck ban at bigyan sila ng isang linya sa lansa­ngan na kanilang daraanan, hindi naman puwede ito,” ani Tolentino.

Nabatid na dumalo sa pagpupulong sina  Pasay City Mayor Antonino Calixto at Para­ñaque City Mayor Edwin Olivares.

Sinabi pa ni Tolentino na nagpadala na sila ng sulat kay Manila Mayor Joseph Estrada para magkaroon muna ng experiment sa pagpa­tupad ng naturang ordinansa sa loob ng unang 15 araw na pinagkasunduan ng Metro Manila.

Ayon naman kay Manila Vice Mayor Isko Moreno na nagustuhan ng mga estud­yante, guro, mga empleyado sa gobyerno at pribado ang implementasyon ng daytime truck ban.

Ito ay dahil sa maluwag at maginhawang pagbibiyahe nila sa mga lansangan at hindi na nahuhuli sa kanilang mga klase at pasok sa mga tanggapan. Gayunman, sinabi ni Moreno na patuloy pa ring pinag-aaralan ng city council kung kailangang magkaroon ng modipikasyon sa daytime truck ban, pero kailangan munang sumunod pansamantala ang lahat sa mga napagkasunduan.

Patuloy naman ang isinasagawang protesta ng mga driver at operators sa North Harbor kaugnay ng ma­tindi nilang pagtutol sa daytime truck ban.

Nanawagan si Ricky Papa, pangulo ng Con­federation of Truck Operators kay Manila Mayor Joseph Estrada na isus­pinde ang daytime truck ban at nakahanda silang umupo sa negotiating table.

Binara naman ito ni Estrada sa pagsasabing ka­ilangan muna nilang sumunod sa batas.

Sa gitna pa ng lalong umiinit na isyu sa  truck ban, sini­mulan na ring ipagbawal ng Manila City government ang mga nakaparadang trak sa kalye, para umano mas mabawasan ang  matinding trapik.

Kahapon, maging ang mga manggagawa ng PPA ay sumali na rin sa kilos-protesta, kung saan nagawa pang basagin ng mga nagpo-protestang trucker ang salamin ng towing truck pasado alas- 4:00 ng madaling araw, sa labas ng PPA. Wala namang naaresto sa nasabing insidente.

Hinamon din ni Mayor Estrada ang pamunuan ng Philip­pine Ports Authority (PPA) na gamitin bilang paradahan ang malaking lote ng PPA na aabot umano sa 8 hanggang 10 ektarya na magkakasya umano ang mga nakahambalang na trak sa Delpan Bridge  sa Tondo,

“Meron dun walo, sampung hektarya dun na bakante, walang nakaparada, bakit hindi nila papasukin itong mga trak nila?” ani Estrada sa panayam sa kanya ng isang teleradyo program kahapon.

BAN

CHAIRMAN FRANCIS TOLENTINO

CITY MAYOR EDWIN OLIVARES

DELPAN BRIDGE

MANILA MAYOR JOSEPH ESTRADA

SHY

TOLENTINO

TRUCK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with