P150K ng shabu nasabat sa QC
MANILA, Philippines – Aabot sa P150,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isang operasyon ng mga awtoridad sa Quezon City.
Sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Miyerkules na nabawian nila ng 50 gramo ng shabu ang dalawang suspek na nadakip sa entrapment operation.
Kinilala ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang mga suspek na sina Jan Jan Tayan, 23, ng No. 147 Padilla Gomez Street, San Carlos City, Pangasinan; at Aiza Sampa, 39, ng Fairview, Quezon City.
Nadakip sina Tayan at Sampa matapos pagbentahan ang undercover agent ng PDEA nitong kamakalawa sa loob ng isang fast food chain sa Don Mariano Marcos Avenue corner Regalado Street, Fairview, Quezon City.
Kaagad dinakip ang dalawa pagkaabot ng illegal na droga sa mga nagpanggap na buyer.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) in relation to Section 26 (Conspiracy to Sell), Article II, of Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest